Posibleng magpatawag ng briefing ang House leadership kasama ang Department of Foreign Affairs para humingi ng update kaugnay sa kalagayan ng 17 Filipino seafarers na binihag ng Houthi rebels Nobyembre ng nakaraang taon.
Ayon kay House Deputy Majority Leader for Communications Erwin Tulfo, oras na makabalik ng bansa ay maaaring hilingin ni Speaker Martin Romualdez sa DFA na bigyan sila ng update sa kung kumusta na ang ginagawang negosasyon para sa paglaya ng 17 Pilipinong tripulante.
Matatandaan na sa isang press briefing sa Malacañang ay inamin ni DFA Usec. Eduardo De Vega na walang progreso sa ginagawang negosasyon para mapalaya ang ating mga kababayan dahil ang nais ng mga rebeldeng grupo ay tuluyan nang mahinto ang giyera sa Gaza.
“Pagdating ni Speaker, we will be definitely be calling on the DFA to give a status (report) kung anong nangyayari. I believe we can only do so much. Kasi we don’t have direct communications or relations or a diplomatic ties with Yemen, with the Houthis. So, ang nangyayari, we go to a third party. Mayroon tayo like, baka pwedeng pakiusapan. Iyung kausap natin may kausap pang iba. So parang nangyayari ngayon sa Palestine saka sa Israel sa Hamas,” saad ni Tulfo.
Maliban dito ay nais rin malaman ng House Speaker kung kumusta na ang pamilya ng hinostage na mga tripulante.
Kasalukuyang nasa labas ng bansa si Speaker Romualdez bilang bahagi ng official delegation ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang working visit sa Germany at state visit sa Czech Republic. | ulat ni Kathleen Jean Forbes