Hinimok na ng National Water Resources Board (NWRB) ang mga residente sa mga barangay at sa condominium units sa Metro Manila na magtipid sa paggamit ng tubig.
Ito’y upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa panahon ng El Niño at hanggang sa pagsisimula ng tag-ulan.
Ayon kay NWRB OIC-Executive Director Ricky Arzadon, hinimok nito ang property managers ng mga barangay at condominium buildings na magpatupad ng kanilang water management bulletin sa gitna ng weather phenomenon.
Bukod sa pagtitipid ng tubig, kailangan ding magsagawa ng regular na pagtse-check ng metro ng tubig para malaman ang mga tagas.
Pati pagdidilig ng halaman at paglilinis ng kalsada at sidewalks ay gawin na lamang kung kinakailangan.
Hinikayat din ang mga residente na ipagpaliban ang anumang maintenance work sa swimming pool at ang hindi na paggamit ng garden hose sa paglilinis ng sasakyan, driveways at bakuran.| ulat ni Rey Ferrer