Aabot sa 10 establisyimento ang binisita at sinilbihan ngayon ng ‘notices of violation’ ng Social Security System.
Kasunod ito ng isinagawang “Run After Contribution Evaders Activity” o RACE activity ng SSS sa Novaliches.
Ito ay para paalalahanan ang mga delinquent employer na hindi nakakapag-comply sa kanilang obligasyon sa ilalim ng RA 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Kabilang sa mga employer na binisita ngayong araw ay dalawang security agency, restaurant, construction, isang educational institution at insurance company.
Ayon sa SSS, 9 sa mga employer ang hindi naghuhulog ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado habang isa naman ang hindi nagrerehistro sa SSS.
Umabot sa P4.8 milyon ang kabuuang halaga ng delinquency sa mga naturang employer kung saan 96 empleyado ang apektado.
Ayon kay SSS VP for NCR North Division Fernando Nicolas, ito na ang ikatlong RACE program na isinagawa sa Novaliches ngayong 2024 at paiigtingin pa ito lalo’t napatunayang epektibo ang programa para makakolekta ng delinquencies.
Kasunod nito, iniulat naman ni SSS NCR Operations Group SVP Maria Rita Aguja na umabot sa 118.9 milyon ang nakolekta ng SSS sa 584 delinquent employers noong nakaraang taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa