Muling nagsagawa ng operasyon ang Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) kontra sa mga pasaway na motoristang hindi awtorisadong dumaan sa EDSA Busway sa bahagi ng Ortigas-Mandaluyong.
Unang nasita at binigyan ng ticket ang isang ambulansya mula sa Brgy. San Jose sa San Pablo City sa Laguna na wala namang sakay na pasyente.
Dahilan ng driver, nagmamadali siya at hindi niya alam na bawal dumaan sa busway ang mga tulad niyang walang dalang pasyente kaya’t mahaharap siya sa P5,000 multa.
Ang ikalawang ambulansya naman ay nagmula pa sa Quezon at pareho rin ang dahilan ng driver kaya’t binigyan din ito ng ticket ng mga tauhan ng SAICT.
Sa kasagsagan ng operasyon, kapansin-pansing maraming ambulansya ang dumaan sa EDSA Busway na sinita ng SAICT subalit ang iba sa mga ito ay may lehitimo namang biyahe. | ulat ni Jaymark Dagala