Isusulong ng bagong-upong Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Rommel Francisco Marbil ang 5-year development plan para sa paggamit ng PNP ng Artificial Intelligence at iba pang modernong teknolohiya sa “smart policing”.
Ang pahayag ay ginawa ni PGen. Marbil sa pulong balitaan, kasunod ng kanyang unang Command Conference sa Camp Crame.
Ayon sa PNP Chief, kailangang mamuhunan ang PNP sa mga bagong teknolohiya sa halip na yung mga tradisyunal na gamit dahil “old school” na aniya ang doktrinang “move, shoot, communicate”.
Kasabay aniya nito ang pag-recruit ng bagong henerasyon ng mga pulis at support staff na may “technical expertise” at “information technology skills”.
Marami na aniya sa mga krimen ngayon ang isinasagawa sa pamamagitan ng mga computer at internet, kaya kailangan din aniyang palakasin ang Anti-Cybercrime Group (ACG). | ulat ni Leo Sarne