Walong indibidwal na nagpapapanggap na opisyales o konektado sa Department of Budget and Management ang nadakip ng National Bureau of Investigation sa isang entrapment operation na isinagawa sa Mandaluyong City.
Ayon sa inisyal na report na inilabas ng NBI, nabatid na noong una ay nagpakilala ang isa sa mga suspek bilang isang undersecretary umano ng DBM at may hawak ng special project upang makakuha ng pera.
Base sa ibinigay na detalye ng ‘di pinangalanang complainant, nangako ang mga suspek na makakapagbigay sa isang project contractor ng P1.3 bilyong halaga na pagpapatayo ng isang dam.
Nagbigay daw ng kasiguraduhan ang mga suspek na ang proyekto ay mai-a-award sa complainant ngunit kinakailangan umano munang magbigay ng pera o “grease money” para sa “blue print” ng proyekto.
Mabuti na lamang at ang contractor ay nagsagawa ng inisyal na beripikasyon sa DBM kung saan napag-alaman nito na walang opisyal ang ahensya sa ganoong pangalan, at wala rin umano ang proyektong binabanggit ng suspek sa records ng ahensya.
Dahil dito, agad na nakipagtulungan ang DBM sa NBI upang magsagawa sa isang entrapment operation, kung saan agad na nadakip ang mga suspek sa isang restaurant sa Mandaluyong City, matapos nitong tanggapin ang marked money na nagkakahalaga ng P500,000.00 mula sa NBI. | ulat ni Mike Rogas