Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na inaprubahan na ng Metro Manila Council ang adjusted working hours ng mga kawani sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region.
Mula sa dating alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, ini-urong pa ito mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon upang makaiwas sa dagsa ng mga manggagawang pumapasok sa trabaho sa pribadong sektor.
Sa isinagawang Traffic Summit sa San Juan City na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ni MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes na epektibo ang ipinasang resolusyon sa Abril 15.
Ito’y matapos mailathala ang MMC Resolution 24-08 sa Official Gazette at maging sa mga pahayagan.
Paliwanag niya, lumalabas sa kanilang pag-aaral na magandang hindi sabay ang pasok sa trabaho ng mga pampubliko at pribadong sektor. | ulat ni Jaymark Dagala