Patuloy ang paalala ng Special Action and Intelligence Committee on Traffic (SAICT) sa publiko na iwasang tumawid sa EDSA Bus Carousel lane.
Ito’y matapos masugatan ang isang babae na tumawid sa hindi tamang tawiran sa bahagi ng EDSA-Ortigas Northbound kaninang alas-4:20 ng madaling araw.
Ayon sa dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard na nakaposte sa lugar, tumawid sa EDSA ang naturang babae patungong Bus Lane at sumampa sa concrete barrier saka tumakbo.
Batay naman sa salaysay ng driver ng bus, malayo pa lamang ay nakita na niya ang babae subalit hindi niya inakalang tatawid agad ito.
Resulta, tumama ang mukha ng babae sa kalsada, nagtamo rin ng bukol at napunit pa ang labi nito.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MMDA na nasa lugar para bigyan ang babae ng kaukulang atensyong medikal. | ulat ni Jaymark Dagala