Agad pinulong ng bagong Hepe ng Philippine National Police (PNP) na si PGen. Rommel Francisco Marbil ang matataas na opisyal nito ngayong araw, ika-2 ng Abril.
Ito’y sa pamamagitan ng kauna-unahang command conference nito, isang araw matapos siyang pormal na maupo sa puwesto.
Dito, inaasahang ilalatag ni Marbil ang kaniyang mga direktiba sa mga matataas na opisyal ng PNP at kung ano ang direksyon na nais tahakin sa ilalim ng kaniyang liderato.
Ito’y sa pamamagitan ng kaniyang Project Agenda na Oplan MARBIL o Mobilization of resources and manpower; Advancement of technology for law enforcement; Reinforcement of community relations at cooperation; Boosting of intelligence gathering capabilities; Implementation of effective crime prevention strategies at Leadership development and training for officers and personnel.
Una nang inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang PNP na paigtingin pa ang kampanya kontra krimen, iligal na droga, cybercrime at terorismo.
Samantala, matapos naman ang command conference ay nakatakdang humarap sa media si Marbil para sa kaniyang kauna-unahang press conference. | ulat ni Jaymark Dagala