Isasara pansamantala sa mga motorista ang bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) Mabiga Area simula mamayang gabi, April 2 hanggang April 6 ng umaga.
Sa abiso ng North Luzon Expressway Corporation, isasara ang nasabing lugar para bigyang daan ang konstruksyon ng Malolos-Clark Railway Project ng Department of Transportation at Philippine National Railway.
Sa mga papuntang NLEX, hindi muna padadaanan ang 105-meter na bahagi ng lane 2 mula alas-10 ng gabi, Abril 2 hanggang alas-5 ng umaga kinabukasan, Abril 3.
Apektado din ang 120-meter na bahagi ng lane 2 na papuntang Subic at Tarlac, na isasara ng alas-10 ng gabi ng Abril 3 hanggang kinabukasan ng Abril 4.
Samantala, huling isasara sa motorista ang 105-meter na bahagi ng lane 1 at 2 sa gabi ng Abril 5 hanggang alas-5 ng umaga kinabukasan, Abril 6.
Pinapayuhan ang mga motorista, na dumaan muna sa mga shoulder lane habang isinasagawa ang proyekto sa lugar.
Maglalagay naman ng mga directional at safety signs ang NLEX Corporation sa strategic areas upang maging gabay ng mga motorista. | ulat ni Rey Ferrer