Malugod na tinanggap ni Phil. Army Chief Lt. General Roy Galido ang Commanding General ng US Army Pacific (USARPAC), General Charles A. Flynn sa pagbisita ng huli sa Army Headquarters, Fort Bonifacio Taguig kahapon.
Sa pagpupulong ng dalawang opisyal, tinalakay ang kasalukuyang nagaganap na Balikatan exercise, at ang Salaknib exercise sa pagitan ng dalawang hukbo.
Sinabi ni Gen. Flynn na ang dalawang pagsasanay ay representasyon ng nagkakaisang commitment ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo na lumaban bilang “team mate”.
Ibinida naman ni Lt. Gen. Galido ang pagpapahusay interoperability ng dalawang pwersa, kung saan sa unang pagkakataon ay gumamit ang mga tropa ng iisang radio frequency, na nagpabilis sa daloy ng komunikasyon.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, ginawaran ni Lt Gen. Galido si Gen. Flynn ng Command Plaque at pinagkalooban ng statuette ni Gat Andres Bonifacio. | ulat ni Leo Sarne
📷 Photos by SSg Cesar P. Lopez PA/OACPA