Isang bangkay na nakasilid sa sako ang natagpuan sa isang residential area sa Poinsetia, Blk 6, Gravel Pit, Abris St. Brgy. Payatas A, Quezon City.
Sa panayam ng RP1 sa ilang mga residente, alas-3 ng madaling araw unang napansin ang sako sa gilid ng eskinita. Sa pagaakalang isa itong basura, isinawalang bahala lang ito hanggang nang magliwanag nang mapansin na ng isang residente ang umaagos na dugo mula sa sako.
Agad itong itinawag sa barangay na nagbukas ng sako at nakumpirmang bangkay nga ito.
Rumesponde na rin ang pulisya na kinordonan ang lugar at nagkasa na ng inisyal na imbestigasyon habang hinihintay rin ang pagdating ng mga tauhan ng SOCO.
Hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na nakasuot lamang ng gray na long sleeve at itom na shorts.
Hindi naman maiwasang maalarma ng mga residente dahil ito daw ang unang beses na may ganitong nakasakong bangkay ang natagpuan sa kanilang lugar. | ulat ni Merry Ann Bastasa