Inihayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Bicol na umabot sa P4.19 bilyon para sa 514,000 claims ang binayaran nitong claims imbursement sa partner hospitals sa taong 2023. Ito ay kahit na umabot lamang sa P2.77 bilyon ang nakolekta nito sa parehong taon.
Ayon kay Alberto Manduriao, Regional Vice-President ng PhilHealth Bicol, nabayaran aniya nila ito sa loob lamang ng 16 na araw sa tulong ng pag-subsidize ng ibang rehiyon tulad ng National Capital Region.
Kakabit nito ang pinalawak at mga bagong benepisyo ng PhilHealth na handang mapakinabangan ng mga mamamayang Pilipino.
Una rito ang pagtaas ng coverage rates ng karamihan sa benefit packages ng PhilHealth kung saan ipinaliwanag ni Manduriao, na layunin nitong mapababa o mabura ang tumataas na bayarin sa pagpapaospital. Gayundin, upang maibsan ang epekto ng pagtaas sa halaga ng serbisyong medikal at gamot at medical procedures.
Aniya, inaasahang makakabawas ito sa ilalabas na pera ng mga miyembro kapag nagpapaospital o kaya’y gumagamit ng outpatient services.
Isa rin sa tinututukan ng PhilHealth ay ang pagkakaroon ng outpatient benefit package para sa mental health, na sumasaklaw sa P9,000 para sa pangkalahatang mental health services at P16,000 para sa specialty mental health services.
Inanunsiyo rin ng PhilHealth Bicol ang pinalawak na Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta primary health care package nito.
Mayroong 572 pasilidad sa Biol REgion at 1,214 accredited professional para sa nasabing benepisyo ang nag-aalok nito.
Kasama sa PhilHealth Konsulta Package ang mga konsultasyon, health risk screening at assessment, 13 laboratoryo at diagnostic test, at mga gamot para sa hika, sipon at ubo, pulmonya, pagtatae, impeksyon sa ihi, hypertension at diabetes.
Gayundin, ang Z benefits na sumasaklaw sa mga pasyenteng may malalang karamdaman. Ito ay upang matugunan ang mga kondisyong nagdudulot ng matagal na pagkakaospital at napakamahal na mga gamutan.
Sinisiguro ng PhilHealth Bicol na patuloy nitong palalawakin at pagbubutihin ang serbisyo para sa milyon-milyong Bicolano, alinsunod sa mandato ng Universal Health Care Law. | ulat ni Garry Carl Carillo, Radyo Pilipinas Albay