Umakyat na sa tatlo ang bilang ng mga nasugatan matapos sumiklab ang sunog sa Westbank Ave. sa Brgy. Rosario sa Pasig City kaninang madaling araw.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Pasig City, kabilang sa mga nasugatan ang limang taong gulang na batang lalaki na nagtamo ng ‘multiple abrasions’ sa katawan.
Isang 33-anyos na lalaki naman ang nagtamo ng 1st to 2nd degree burns sa kaniyang kaliwang braso habang isang bumbero rin ang napaulat na nasugatan subalit hindi na ito nakuhanan pa ng detalye.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng BFP-Pasig ang halaga ng pinsala sa nasabing sunog na tumupok sa 50 kabahayan kung saan, nasa 80 pamilya ang nawalan ng tahanan.
Ang ilan sa mga ito makikituloy muna sa kanilang kamag-anakan habang ang iba pa ay pansamantalang ililikas sa pinakamalapit na evacuation center.
Inihahanda na rin ng pamunuan ng Brgy. Rosario ang tulong na kanilang ipamamahagi sa pakikipag-ugnayan naman sa lokal na pamahalaan ng lungsod. | ulat ni Jaymark Dagala