Naglabas ng pahayag ang Commission on Higher Education (CHED), tungkol sa umano’y pagdagsa ng mga estudyanteng Tsino sa mga pamantasan sa Cagayan.
Gayundin, ang kaugnayan nito sa tensyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero de Vera III, batay sa datos ng CHED Region 2, walang mga Chinese student na naka-enroll sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad sa Cagayan.
Subalit, may malaki aniyang bilang ng mga estudyanteng Tsino sa Saint Paul University Philippines sa Tuguegarao City.
Paliwanag ni de Vera, ang SPUP ay may autonomous status na iginawad ng komisyon noong 2002, at may pahintulot mula sa Bureau of Immigration na tumanggap ng mga dayuhang mag-aaral.
Ang pagpasok at pananatili ng mga banyagang mag-aaral sa bansa ay saklaw ng Executive Order No. 285 at iba pang patakaran ng Inter-Agency Committee on Foreign Students.
Sa ngayon, wala pa aniyang natatanggap na reklamo ang CHED laban sa SPUP kaugnay sa paglabag sa mga patakarang ito.
Iniiwan naman na ng CHED ang usapin ng seguridad sa mga security agency ng pamahalaan para sa kaukulang imbestigasyon.
Tiniyak naman ng komisyon na handa itong makipagtulungan sa Kongreso o iba pang ahensya ng pamahalaan sa anumang gagawing imbestigasyon kaugnay sa alegasyon. | ulat ni Diane Lear