Ilang araw nang nararamdaman ang mataas na temperatura gayundin ang heat index o alinsangan sa katawan sa bahagi ng Dagupan, Pangasinan.
Batay sa heat index monitoring ng PAGASA, mula pa noong Martes, April 23, ay tuloy-tuloy na pumapalo sa 47°C ang heat index sa lugar na pinakamataas ring nai-record sa linggong ito.
Labis na itong mapanganib dahil maaaring mauwi sa heat cramps at heat exhaustion ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal.
Ayon pa sa PAGASA, posibleng magpatuloy pa ang mataas na heat index sa lugar hanggang ngayong araw at sa weekend.
Samantala, bukod sa Dagupan, asahan din ang hanggang 42-46°C na heat index sa 32 lugar sa bansa.
Kabilang dito ang Metro Manila na inaasahang aabot sa 42-43°C ang heat index sa Science Garden, Quezon City at sa Pasay. | ulat ni Merry Ann Bastasa