Dagdag na oportunidad para sa mga magsasaka sa Benguet ang binuksan ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa pagtatayo ng coffee processing center sa naturang lalwigan.
Pangunahing makikinabang dito ang mga miyembrong magsasaka ng Caliking Farmers Multipurpose Cooperative (CFMPC).
Sa ilalim nito, ang DAR ang mangunguna sa pagpapatupad ng proyekto at tutulong sa pagtatayo ng processing center habang magbibigay ito ng kinakailangang teknikal na tulong para sa pagpaparehistro sa Food and Drug Administration-License to Operate (FDA-LTO) ng proyekto.
Tutulong naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagbebenta, promosyon ng produkto, at pagkakaloob ng pasilidad sa produksyon habang ang Department of Science and Technology (DOST) ay magbibigay ng tulong teknikal sa pagsasagawa ng product laboratory analysis, at pagbibigay ng packaging at labeling services.
Ayon kay Lailani A. Cortez, Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II, ang processing center, na may pondong katapat mula sa CFMPC ay layong makabuo ng de-kalidad na roasted coffee beans na unang ibebenta sa lokal na pamilihan.
Umaasa rin ito, na sa tulong ng proyekto ay mapaghuhusay ang mga produkto ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa pamamagitan ng paggamit ng mga angkop na pasilidad, at kagamitan na naaangkop sa agri-business enterprise ng kooperatiba.
Inaasahang namang makukumpleto ang naturang processing center sa Setyembre 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa