Tinatayang P1.5 milyong halaga ng mga makinarya ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasakang miyembro ng dalawang Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa Bohol.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga miyembrong ARB mula sa Basacan Irrigators Association Inc. ng Bayongan at Corazon San Miguel Farmers Association Inc.
Bahagi ito ng DAR-Climate Resilient Farm Productivity Support Project for Major Crop-Based Farming (CRFPSP-MCBF) na layong mapabuti ang produktibidad sa agrikultura ng mga agrarian reform communities.
Hinikayat naman ni DAR Assistant Secretary Virgilio Mendez na nanguna sa pag-turn over ng mga makinarya, na maging masigasig ang mga miyembro ng dalawang kooperatiba sa pagkumbinsi sa mga magsasaka na maging miyembro ng kooperatiba.
“Ang DAR ay maaari lamang magbigay ng karagdagang mga suportang serbisyo sa isang samahan kung lumalaki ang mga kasapi ng kooperatiba. Ito ang magbibigay-katwiran sa pangangailangan na maghatid ng mga ayuda sa mga kooperatiba kagaya ng mga makinarya para sa pagsasaka,” ani Mendez. | ulat ni Merry Ann Bastasa