Nanindigan si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na walang basehan ang pagbibigay ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa mga miyembro ng Boracay Ati Tribal Association.
Paliwanag ng Kalihim, una nang idineklara ng Bureau of Soils and Water Management ang lupain na hindi angkop para sa agrikultura at hindi dapat kasama ng saklaw ng DAR sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Nilinaw din nito na nag-expire na noong Hunyo 30, 2014 ang panahon ng pag-iisyu ng notice of coverage ng mga pribadong lupain, nang ilabas ng DAR ang mga CLOA sa ATI noong 2018.
Hindi rin maaaring i-invoke dito ang Executive Order 75 dahil hindi naman ito pag-aari ng pamahalaan dahil may lehitimong nagmamay-ari ng lupa.
Ang EO 75 ay isang kautusan ng Malacañang sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tukuyin ang government lands na maaaring ipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Binanggit ng kalihim na mas pinili ng 44 na miyembro ng Boracay Ati Tribal Association ang paghahati-hati ng 1,282 square meter na lupain na bawat isa ay nagmamay-ari lang ng humigit-kumulang 30 square meters na hindi na angkop para sa agrikultura.
Pagtiyak ni Estrella na bibigyan ng DAR ng tig-isang ektarya hanggang tatlong ektarya ng lupain ang mga miyembro ng Ati sa pamamagitan ng EO 75.
Bukod pa dito ang ibibigay na tulong at support services. | ulat ni Rey Ferrer