Personal na nagtungo si Dating Ilocos Sur Gov. Luis Chavit Singson sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong umaga.
Ito’y para humingi ng paumanhin kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes gayundin ay bayaran ang tig-P5,000 multa dahil sa pagdaan ng kaniyang dalawang sasakyan sa EDSA Busway kamakailan.
Kasunod nito, inanunsyo ni Singson na mula sa dating P100,000 piso ay ini-akyat na niya ito sa P200,000 bilang reward sa mga traffic enforcer na humuli sa kaniya.
Pero hindi ito personal na tinanggap ni Artes sa isinagawang flag-raising ceremony sa MMDA sabay giit na “no strings attached” ang iniabot ni Singson kaya’t ituturing nila itong donasyon sa buong ahensya.
Pupunta aniya ang naturang pondo sa general fund ng MMDA para suportahan ang mga gastusin sa kanilang operasyon. | ulat ni Jaymark Dagala