Nanindigan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi kinikilala ng Pilipinas ang International Criminal Court (ICC).
Ito ang tugon ng Pangulo nang tanungin kung ibibigay ba ng bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sakaling maglabas ng warrant of arrest ang ICC, kaugnay sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng War on Drugs ng nagdaang administrasyon.
Sa isang panayam, iginiit ng Pangulo na hindi ito gagawin ng Pilipinas, lalo’t walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa.
Muling ipinaliwanag ng Pangulo na ang ICC, magkakaroon lamang ng kapangyarihan kung ang isang bansa ay walang police at judiciary.
Bagay na mayroon ang Pilipinas, na katunayan ayon sa Pangulo, ay aktibo at mayabong.
Samantala, nang tanungin naman ang Pangulo kung kamusta ang relasyon nito sa Duterte Family, inilawaran ng Pangulo ang kaniyang ugnayan sa Pamilya Duterte, bilang komplikado. | ulat ni Racquel Bayan