Naglabas na ng guidelines ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa pagsusuot ng mga alternatibong uniporme ng mga kawani ng ahensya dahil sa mainit na panahon.
Ayon sa DepEd, ang pagsusuot ng alternatibong uniporme ay pinahihintulutan sa lahat ng teaching at non-teaching personnel ng DepEd dahil sa matinding init ng panahon na nararanasan sa buong bansa.
Kabilang dito ang mga collared DepEd polo shirt na ginamit sa mga nakaraang aktibidad ng ahensya gaya ng Brigada Eskwela, Palarong Pambansa, Oplan Balik Eskwela, Regional/Division/School Conferences, at iba pa.
Ito naman ay dapat na ipares sa itim na pantalon anuman ang tela tulad ng slacks, jeans, at cargo pants.
Ang inilabas na guidelines ay alinsunod pa rin sa Civil Service Commission Memorandum Circular No. 19 series of 2000 o ang Revised Dress Code Prescribed para sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Nauna rito ay nagbabala ang PAGASA na asahan na ang mas maalinsangan o mas mainit na panahon sa mga susunod na araw. | ulat ni Diane Lear