Namataan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ‘di awtorisadong presensiya ng isang research vessel na ‘Shen Kuo’ ng China sa karagatan sa Hilagang-Silangan ng Viga, Catanduanes.
Sa ulat ng Tactical Operations Wing, Southern Luzon (TOWSOL) na nagsagawa ng maritime patrol noong Abril 27, ang naturang vessel ay naobserbahang nakadaong sa lugar at wala umanong tauhan sa main deck nito.
Samantala, ilang beses din umanong sinubukang makipag-ugnayan ng TOWSOL sa pamamagitan ng regular na radio channels, ngunit bigo ang tropang makatanggap ng tugon mula sa kabilang panig.
Ayon sa AFP, nananatili silang mapagmatyag sa anumang ‘di awtorisadong research vessel sa maritime domain ng bansa. Kaugnay nito ay inatasan nila ang mga kalapit na vessel upang paigtingin ang surveillance at pag-ulat.
Dagdag pa ng AFP, nakikipag-ugnayan na sila sa mga ahensiya para sa kaukulang pagtugon at imbestigasyon sa anumang ilegal na aktibidad sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) upang masiguro ang proteksyon sa karagatan ng Pilipinas.
Samantala, sinabi rin ng AFP na unang namataan ang nasabing vessel noong Abril 25, na may layong 60.9 nautical miles sa silangan ng Rapu-Rapu, Albay. | ulat ni Jann Tatad | RP1 Virac