Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na wala munang face-to-face classes ngayong araw sa mga estudyante sa day care, elementarya, at sekondaryang pampublikong paaralan, at ALS sa lungsod.
Batay sa pagtaya ng QC iRISE UP system, tinatayang aabot sa 41°C ang init ngayong araw.
Dahil dito, mula face-to-face classes ay ililipat muna sa Asynchronous/Synchronous ang klase ng mga estudyante.
Base sa Memorandum Circular No. 10-A series of 2022 na alinsunod sa Department of Education (DepEd) Order No. 037 series of 2022, ipinauubaya naman sa mga pribadong paaralan ang pagpapasya kaugnay sa pagpasok ng mga bata, ngunit hinihikayat na sundin ang mga pambansa o lokal na anunsyo.
Una na ring nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa DepEd na ikonsidera ang pagbalangkas ng mga hakbang para maibsan ang epekto sa mga mag-aaral at guro ng matinding init. | ulat ni Merry Ann Bastasa