Sinuspinde ng Department of Education (DepEd) ang face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa, bukas, Abril 29 -30.
Sa inilabas na advisory ng DepEd, dahil ito sa pagtaya
ng PAGASA na titindi pa ang init ng panahon at ang nakaambang na nationwide transport strike.
Sa halip, magpapatupad ang mga nasabing paaralan ng asynchronous classes/distance learning.
Hindi na rin kailangan ng mga teaching and non-teaching personnel sa mga public schools na mag-report sa kani-kanilang istasyon.
Gayunpaman, ang mga aktibidad na inorganisa ng Regional at Schools Division Offices, tulad ng Regional Athletic Association Meets at iba pang dibisyon o mga programa sa antas ng paaralan, na isasagawa sa mga nabanggit na petsa ay maaaring magpatuloy ayon sa naka-iskedyul.
Pero, sa kondisyon na ang mga hakbang para sa kaligtasan ng lahat ng mga kalahok ay maingat na isaalang-alang.
Hindi naman sakop sa kautusan ang mga pribadong paaralan ngunit may option ang mga ito na ipatupad ang parehong hakbang.| ulat ni Rey Ferrer