Dinagsa ng mga kapatid na muslim ang mga open area sa iba’t ibang panig ng Eastern Metro Manila ngayong Eid’l Fitr o ang ganap na pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan.
Partikular na tinungo ng mga kapatid na Muslim ang Greenhills Masjid sa San Juan City na siyang tinaguriang kaisa-isang Masjid na inilagay sa loob ng isang mall.
Ayon kay Pres Kenn ng Greenhills Muslim Traders Association Incorporated at siyang nangangasiwa sa naturang Masjid, may sukat itong 500 square meters at kayang makapag-accommodate ng 300 hanggang 500 mananampalataya.
Pero dahil sa inaasahang dagsa ng mga kapatid na Muslim na mag-aalay ng pagsamba kay Allah, binuksan ng pamunuan ng mall ang kanilang multi-level parking para mas marami ang ma-accommodate.
Organisado ang pagpasok ng mga tao sa loob ng prayer area, may nakalatag na lona para sa mga magyayapak at hiwalay din ang mga lalaki sa mga babae.
Maliban sa Greenhills Masjid, nagtipon din ang mga kapatid na Muslim sa mga open area sa mga lungsod ng Marikina at Mandaluyong na inilaan naman ng mga lokal na pamahalaan.
May nakabantay namang tauhan ng Eastern Police District (EPD) sa mga nabanggit na lugar para tiyakin ang seguridad gayundin ang kaligtasan ng mga kapatid na Muslim sa pagdiriwang nila ng banal na araw na ito. | ulat ni Jaymark Dagala