Lagpas sa 30 bilyong piso ang halaga ng shabu na nasabat ng Philippine National Police (PNP) mula Hulyo 2022 hanggang Abril 14 ng taong kasalukuyan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, ito’y resulta ng 86,000 operasyon na inilunsad ng PNP kung saan mahigit 108,000 drug suspeks ang naaresto.
Ayon kay Fajardo, hindi pa kasama sa nabanggit na halaga ang malaking bulto ng shabu na nasabat kamakailan sa Alitagtag, Batangas.
Kaugnay nito, nilinaw ni Col. Fajardo na nasa mahigit P9.68 bilyon lang ang halaga ng nasabat na droga sa Batangas at hindi 13.3 bilyong piso na unang napaulat.
Paliwanag ni Fajardo, initial estimate lang ng Philippine Drug Enforcement Agency ang unang iniulat na 2 tonelada ng shabu na narekober, na matapos na i-imbentaryo ay lumabas na 1.4 na tonelada lang. | ulat ni Leo Sarne