Dinagsa ang dalawang araw na Halal Food Bazaar sa Quezon City Memorial Circle, Quezon City na nagsimula noong ika-10 ng Abril, 2024 na pormal na nagbukas pagkatapos mismo ng Eid’l Fitr prayer sa nasabing lungsod.
Kwento ni Abdurazaq Batting Madale, General Manager ng Philippine Ulama Congress Organization, Inc. (PUCOI) na siyang partner ng LGU, bago pa man ang Eid at Halal Bazaar mayroon din silang programang Qur’an Reading Competition na isinagawa.
Ikinagalak din ng PUCOI ang dami ng mga dumalo sa unang araw pa lamang na nakisaya at higit sa lahat, nakikain kasama ang kanilang mga kaibigan at mga mahal sa buhay.
Aniya, pagpapalakas ito ng presensya ng mga Muslim sa bansa at pagpapalawak ng kaalaman ng usaping Halal na pagkain.
Dagdag pa ni Madale, bagamat limitado ang panahon nila sa pag-organisa rito, nagpapasalamat pa din sila sa mga nagpamalas ng kanilang suporta sa bazaar.
Tunay aniyang mahirap ang adbokasiyang Halal na pagkain subalit hindi dapat umano panghinaan ng loob ang mga Muslim sa pagpapakita pa din ng kahalagahan nito hanggang sa bawat lugar ng bansa ay makilala at maisabuhay ang Halal.
Umaasa ang kanilang organisasyon na marami pang mga susunod na programa ang kanilang mga isasagawa sa mga susunod na buwan at hinihiling nilang suportahan ang bawat panawagan ng Halal.
Sa kanilang huling gabi, nagpapasalamat ang nasabing organisasyon sa tiwala ng Quezon City LGU sa proyektong ito at higit sa lahat sa pagsusulong ng mas pinalakas na Halal sa ilalim ng Bagong Pilipinas. | ulat ni Princess Habiba Sarip-Paudac