Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na nagmula sa ibang bansa ang halos dalawang tonelada ng shabu na naharang sa isang checkpoint sa Alitagtag sa Batangas kamakalawa.
Ito’y ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang grupong nasa likod ng pinakamalaking huli ng droga sa kasaysayan ng law enforcement operations.
Ayon kay Fajardo, batay sa markings at packaging ay ibang-iba ang nasamsam na droga sa Batangas kumpara sa mga regular nilang operasyon.
Isa sa mga tinitingnan ng PNP ay posibleng naibiyahe ang mga droga lulan ng yate at naipasok ito sa baybayin ng Batangas na sa ngayon ay sumasailalim na sa masusing validation. | ulat ni Jaymark Dagala