Nasa ‘danger’ level pa rin na heat index o alinsangan ang inaasahang mararamdaman sa maraming lugar sa bansa ngayong araw.
Batay sa heat index forecast ng PAGASA, posibleng pumalo sa hanggang 45°C ang pinakamataas na heat index ngayong araw at ito ay maitatala sa bahagi ng Aborlan sa Palawan.
Hanggang 42-44°C heat index din ang asahan sa 17 lugar sa bansa.
Pasok ito sa danger category kung saan maaaring mauwi sa heat cramps at heat exhaustion ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal.
Dito naman sa Metro Manila, posibleng umabot sa 39-40°C ang heat index.
Una nang ibinabala ng PAGASA na mas titindi pa ang init na mararamdaman sa bansa pagdating ng buwan ng Mayo. | ulat ni Merry Ann Bastasa