Posibleng manatili ang mataas na temperatura gayundin ang heat index o alinsangan sa katawan sa bahagi ng Daet, Camarines Norte.
Batay sa heat index forecast ng PAGASA, posibleng pumalo hanggang sa 46°C ang heat index sa naturang lugar ngayong Lunes.
Ito ang inaasahang pinakamataas na heat index ngayong araw na pasok sa danger category kung saan maaaring mauwi sa heat cramps at heat exhaustion ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal.
Kahapon ay naitala rin ang 46°C na heat index sa naturang lugar at inaasahang magpapatuloy pa ito hanggang bukas.
Samantala, bukod sa Daet, nasa ‘danger level’ heat index rin ang inaasahan sa Aparri at Tugegarao sa Cagayan; San Jose, Occidental Mindoro; Puerto Princesa at Aborlan sa Palawan; Pili, Camarines Sur; Roxas City, Capiz, at Cotabato City. | ulat ni Merry Ann Bastasa