Tuloy-tuloy ang pagsasagawa ngayong araw ng food festival dito sa Filinvest City Central Garden sa Muntinlupa City kung saan tampok ang iba’t ibang pagkain mula sa mga bayan ng Metro Manila.
Ngayong araw, April 20, ang huling araw kung saan isasagawa itong food festival na tinagurian bilang ‘Flavors of Manila’ kung saan matitikman ang samu’t saring ipinagmamalaking mga local food and delicacy sa National Capital Region.
Kahapon, pinangunahan ng mga kasapi at opisyal ng Association of Tourism Officers – National Capital Region sa pamumuno ni Manila City Tourism Chief Mr. Charlie Dungo ang opening ceremony. Kasama ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa na host city ngayong taon sa panguna ni City Mayor Ruffy Biazon.
Dumalo rin sa seremonya sina Taguig City Mayor Lani Cayetano, Pasay City Chief of Staff Peter Eric Pardo at Department of Tourism – NCR Regional Director Sharlene Zabala-Batin.
Ito na ang pangatlong taon kung saan isinagawa ang Flavors of NCR.
Inaasahan naman na hanggang mamayang 10:00 ng gabi ay mapupuno ng musika at mga pagkain dito sa Muntinlupa City sa mga nais bisitahin ang nasabing food festival.
Sa mga darating naman ngayong hapon, abiso naman ng mga organizer na maghanda ng mga panangga sa matinding sikat ng araw at init ng panahon sa pamamagitan ng paglalagay ng sunscreen, pagsusuot ng magagaan na damit, pagbabaon ng tubig, at iba pang paghahanda bago pumunta sa Flavors of NCR event. | ulat ni EJ Lazaro