Bawas kita na naman para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan ang panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo epektibo ngayong araw, Abril 9.
Ito ang reaksyon ng mga jeepney driver na nakausap ng Radyo Pilipinas sa bahagi ng Parklea Terminal sa Mandaluyong City.
Anila, masakit na sa bulsa ang walang patumanggang pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil bukod sa lumalaki ang kanilang konsumo ay umiikli ang oras ng kanilang biyahe.
Nabatid na P1.10 ang umento sa kada litro ng gasolina habang P1.55 ang dagdag naman sa kada litro ng diesel.
Magugunitang inihayag ng Department of Energy (DOE) na may inilaan silang pondo na ipaparaan sa LTFRB at Agriculture Department para ipamahagi bilang fuel subsidy.
Pero may ilang tsuper ang nagsabing kung sila ang masusunod, mas mainam na magtaas na lamang ng pasahe kaysa sa fuel subsidy dahil hindi naman sila kundi ang mga operator ang nakikinabang sa ayuda. | ulat ni Jaymark Dagala