Nag-courtesy call kay House Committee on Natural Resources vice-chair at Palawan Rep. Jose Alvarez ang mga opisyal ng Provincial Government ng Bohol at ng Munisipalidad ng Sagbayan kung saan matatagpuan ang kontrobersyal na Captain’s Peak Resort.
Ang Captain’s Peak ang nag-viral na resort dahil nasa gitna ito mismo ng Chocolate Hills.
Kasama rin sa naturang pulong ang iba pang resort owners na nakapaligid sa naturang tourist destination.
Sa paunang paliwanag ng local leaders, sinabi nila na ang Protected Area Management Board (PAMB) Resolutions ang naging basehan ng pagtatayo ng mga naturang resort.
Sinabi naman ni Alvarez na sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa April 29 ay magsasagawa ang komite ng mas malaliman pang pagsisiyasat at diskusyon hinggil sa isyu ng pagkakaroon ng mga istruktura sa Chocolate Hills gayong isa itong protected area. | ulat ni Kathleen Jean Forbes