Umaapela si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na maglatag na ng konkretong solusyon para sa mga isyung kinakaharap ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program.
Ginawa ng senadora ang panawagan sa gitna ng pagkakaroon ng nationwide transport strike ngayong araw.
Ayon kay Senadora Imee, ang susi sa pagresolba ng mga problema sa PUV Modernization program ay ang pagkakaroon ng agarang konsultasyon sa lahat ng mga stakehoder, kasama na dito ang mga driver, mga operator, mga estudyante at mga komyuter.
Hindi na sasapat lang ang pagpapalawig ng April 30 deadline para sa franchise consolidation.
Kabilang sa mga pinunto ng mambabatas na kailangang maisaayos ay ang tanong ng mga driver tungkol sa pagbili ng modernized jeepneys, at kung sino ang sasagot kapag hindi nakapagbayad ng utang para sa mga unit.
Binigyang diin ni Senadora Imee na hindi dapat ang mga jeepney driver at mga komyuter ang magdusa sa pagsasamoderno ng transportation sector ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion