Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na miyembro nila ang lady driver na nambully at tumakas sa mga tauhan ng Special Action Committee on Transportation (SAICT) matapos dumaan sa EDSA Busway noong isang linggo.
Ito’y ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla makaraang magpakilala ang naturang driver na Maj. Miguel na mula umano sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at pamangkin umano sa isang MGen. Mario Reyes.
Sa isang pahayag, sinabi ng AFP na bilang isang propesyunal na organisasyon, hindi nila kinukonsinte ang mga ganitong uri ng pag-uugali na siyang yumuyurak sa integridad ng kanilang institusyon.
Gayunman, sinabi ng AFP na wala silang naatatanggap na pakikipag-ugnayan mula sa DOTr SAICT hinggil dito subalit maging sundalo man o hindi ay dapat managot sa batas ang sinumang lumalabag dito.
Sa kaniyang panig, kinondena rin ni PNP Directorate for Logistics Director, PMGen. Mario Reyes na kilala niya ang lady driver na nagpakilalang pamangkin niya umano.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang ginawa ng babaeng driver lalo’t sinisira nito ang integridad ng PNP na nagpapatupad ng batas na walang kinikilangan o kinatatakutan.
Umapela si Reyes na iwasan ang paggamit sa pangalan ng sinumang nasa unipormadong hanay at igalang ang awtoridad ng mga tagapagpatupad ng batas.
Hiniling din ni Reyes sa DOTr SAICT na magpalabas ng show cause order laban sa lady driver at maghain ng reklamong usurpation of authority laban dito.
Nakikipag-usap na rin siya sa kaniyang mga abogado para gumawa ng mga ligal na hakbang laban sa nagpakilalang si Maj. Miguel. | ulat ni Jaymark Dagala