Papalo sa mahigit isang libong riders o mga naka-motor ang bumandera at umikot sa Embahada ng Tsina sa Makati City kaninang umaga kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa bansa.
May nakalagay na bandila ng Pilipinas at ng kanilang grupo na RAM sa mga naturang motorsiklo kasabay ng tuloy-tuloy na pagbusina.
Ayon sa grupo, ang naturang aktibidad ay bilang pagsuporta sa panawagan ng ‘Atin To Coalition’ laban sa ginagawang panghaharas ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Naglabas din ang grupong RAM ng ‘manifesto of protest and appeal’ kung saan sinabi nito na hindi kalaban ng Tsina ang mga Pilipino subalit handang ipaglaban ng mga Pinoy ang Pilipinas gaya ng ginawa ng mga bayani at martyr na Pilipino.
Binigyang diin din ng grupo ang suporta nito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa iba pang ahensya ng pamahalaan para protektahan ang West Philippine Sea.
Umaasa ang grupo na mapapanatili ng Tsina at Pilipinas ang maayos nasamahan kasabay ng maayos na pagresolba sa kasalukuyang usapin. | ulat ni Lorenz Tanjoco