Nasawi ang pinakamataas na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan Faction sa operasyon ng militar sa Brgy. Kitango, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur kahapon (Abril 22).
Kinilala ni Philippine Army 1st Brigade Combat Team Commander Brig. Gen. Jose Vladimir Cagara ang nasawing terrorist leader na si Mohiden Animbang alias Karialan, ang chairman ng BIFF-Karialan Faction.
Kasama nitong nasawi sa pakikipaglaban sa mga tropa ng gobyerno ang 11 iba pang miyembro ng grupo.
Samantala, narekober din ng mga awtoridad ang 12 malalakas na kagamitang pandigma ng kalaban, na kinabibilangan ng limang M16A1, tatlong M14, dalawang M653, isang M4 at isang mataas na kalibre ng baril.
Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng iba pang mga terorista na nasawi sa operasyon ng militar. | ulat ni Leo Sarne