Inanunsyo ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na maghahandog ng libreng sakay ang LRT line 2 para sa mga solo parent bukas, Sabado, Abril 20.
Ito’y bilang pakikiisa ng LRTA sa pagdiriwang ng National Solo Parent’s Day.
Dahil dito, libreng makasasakay ang mga solo parent mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at masusundan naman dakong alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Kailangan lamang magpakita ng katibayan ang mga solo parent gaya ng ID Card at Solo Parent Certificate of Eligibility para makapag-avail ng libreng sakay.
Ayon sa pamunuan ng LRTA, layon ng libreng sakay sa LRT-2 na makapagbigay ng inspirasyon sa mga solo parent na mag-isang itinataguyod ang kanilang pamilya. | ulat ni Jaymark Dagala