Hindi na magbabago pa ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol sa napipintong deadline ng industry consolidation na bahagi ng PUV modernization ng pamahalaan.
Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, ang mga hindi consolidated matapos ang deadline sa April 30 ay otomatiko nang mawawalan nang prangkisa.
Tuloy rin aniya ang planong panghuhuli at impound sa mga pampublikong sasakyang hindi sumama sa consolidation pagsapit ng Mayo.
Sa ngayon, nasa halos 80% na ang naitatala ng LTFRB na bilang ng consolidated units.
Ayon sa LTFRB, kumportable na ito sa naturang numero at umaasang mapupunan na ang pangangailangan ng mga pasahero.
Kaugnay nito, nasa final phasing na rin aniya ang LTFRB hinggil sa pagsasaayos ng proseso para sa susunod na component ng jeepney modernization. | ulat ni Merry Ann Bastasa