Binawi na ng Philippine National Police (PNP) ang License to own and Posses Firearms (LTOPF) ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, Ito’y matapos pirmahan ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ngayong Biyernes ang aprubadong rekomendasyon ng Firearms and Explosives Office (FEO).
Paliwanag ni Col. Fajardo, naging basehan ng pagkansela ng LTOPF ang probisyon sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na nagsasaad na ang sinumang akusado na ang kaparusahan ay mahigit 2 taon ay hindi pinpayagan na mag-ari at magparehistro ng baril.
Kasabay nito, Inatasan ng PNP ang mga kamag-anak, abogado o sinumang representante ni Pastor Quiboloy na isuko na ang mga baril na saklaw ng kautusan.
Batay sa rekord ng FEO, 19 na baril ang naka-rehistro kay Pastor Quiboloy kung saan isa ang napaso ang lisensya noong Marso, ng taong kasalukuyan. | ulat ni Leo Sarne