Naglabas na rin ng guidelines ang School Divisions Office (SDO) ng Malabon para sa learning delivery initiatives at cancellation of classes kapag tumaas ang heat index sa Malabon City.
Napagpasyahan ito, upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral mula sa matinding init ngayong summer.
Magkakabisa ang guidelines sa panahong tumaas ang temperatura at heat index na inaasahan ng PAGASA.
Ayon kay School Division Superintendent Cecille Carandang, kapag pumalo sa 42 degrees Celsius o mas mataas pa ang heat Index, awtomatikong masususpindi ang in-person classes, at hindi na kinakailangang mag-report ang mga guro sa paaralan at lilipat sa Alternative Delivery Mode of Instructions o modular learning.
Ang blended learning o magkahalong face-to-face at online classes ay ipapatupad kapag umabot na sa 41 degrees Celsius ang Heat Index.
Titiyakin ng mga paaralan na ang mga mag-aaral ay nakagrupo batay sa kanilang partikular na learning levels.
Samantala, magpapatuloy ang regular in-person classes ayon sa nakatakda kapag naitala ang 40 degrees Celsius o mas mababa pa ang Heat Index. | ulat ni Rey Ferrer