Sa gitna ng tumitindi pang init ay siniguro naman ng east zone concessionaire na Manila Water ang maaasahang suplay ng tubig partikular sa mga ospital at eskwelahan sa concession areas nito.
Ayon sa naturang kumpanya, sa ngayon ay nananatili ang tuloy tuloy na suplay ng tubig sa 173 pampubliko at 210 pribadong ospital gayundin sa halos 2,000 mga eskwelahan sa Metro Manila East kasama pa ang Rizal Province.
Paliwanag ni Manila Water Corporate Communications Affairs Director Jeric Sevilla, pangunahing concern nila ang mapanatili ang public health at kaligtasan lalo ng mga kabataan na may pasok pa kahit ngayong summer.
Bukod dito, tuloy tuloy rin ang ginagawang Lingap Program ng Manila Water Foundation na layong unahin ang rehabilitasyon ng mga linya ng tubig sa mga pampublikong institusyon at magbigay ng technical assistance para sa pagkukumpuni ng internal reticulation systems.
Sa ilalim naman ng programang ito, nakakumpleto na ang Manila Water ng proyekto sa halos 500 eskwelahan, 22 ospital, 12 detention centers, 20 barangay halls, 11 daycare centers, 10 orphanages, at iba pang pasilidad gaya ng health centers, public markets, at simbahan.
Una na ring sinabi ng National Water Resources Board (NWRB) na nakadepende sa magiging lebel ng tubig ng Angat dam kung ibababa ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa