Welcome sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naging resulta ng 1st Quarter Tugon ng Masa (TNM) public satisfaction and trust rating survey kung saan kasama ang ahensya sa mga nanguna bilang ‘most trusted’ at ‘best-performing’ na ahensya sa bansa.
Batay sa TNM survey na isinagawa ng OCTA Research mula March 11 to 14, pumangalawa ang DSWD sa public trust rating, kasama ang Department of Health (DOH), na may 79% at pangatlo naman sa performance rating na umabot sa 77%.
Ayon kay DSWD Asec. Irene Dumlao, sumasalamin ito sa dedikasyon ng ahensya para makapaghatid ng dekalibreng social protection sa mga Pilipino lalo sa marginalized at vulnerable sector.
Indikasyon din aniya ito ng kumpiyansa ng publiko sa kakayahan ng DSWD na tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.
“The survey results serve as a valuable indicator of public perception and confidence in the DSWD’s ability to address the needs and concerns of the Filipino people along social protection,” dagdag pa ni Asst. Sec. Dumlao.
Bukod sa DSWD, kabilang sa most trusted at best performing na mga ahensya ay ang Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Commission on Higher Education (CHED), at Department of Public Works and Highways (DPWH). | ulat ni Merry Ann Bastasa