Iniulat ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) na bumaba ng 40.79 percent ang mga kaso ng cybercrime sa huling linggo ng Marso.
Base ito sa naitalang 225 kaso ng cybercrime sa naturang panahon, kumpara sa 380 kasong iniulat sa linggong nauna.
Pinakamaraming kaso ang mga online scam na nasa 96; kasunod ang illegal access na nasa 63; identity theft, 18 kaso; Online libel, 15 kaso; at Online threats, 8 kaso.
Ayon kay ACG Director Police Major General Sydney Sultan Hernia, ito ay resulta ng pro-active response ng mga indibidwal at mas malawak na kaalaman at seguridad laban sa cybercrime.
Samantala, inanunsyo ng bagong-upong PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na palalakasin niya ang ACG at ang kakayahan ng PNP sa information and communications technology bilang bahagi ng “smart policing” kontra sa mga makabagong uri ng krimen na gumagamit ng modernong teknolohiya. | ulat ni Leo Sarne