Pormal nang kinasuhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga lider ng grupong Manibela.
Kaugnay ito sa umano’y perwisyong idinulot ng kanilang dalawang araw na transport strike sa Quezon City.
Ayon sa QCPD, tatlong bilang ng paglabag sa Public Assembly Act, Alarm and Scandal, Resistance and Disobedience, at Direct Assault Upon an Agent of Person in Authority ang isinampa laban kina Mario Valbuena, Chaiperson ng Manibela; Regie Manlapig, Pangulo ng Manibela; Jasmine Bordalba Denition, Pacifico Dasalla Martin Jr. at iba pa.
Iginiit ng QCPD, na matinding abala at perwisyo sa mga motorista at pasahero ang ginawa ng grupo nang harangan nito ang Commonwealth Avenue, East Avenue at Quezon Avenue noong Abril 15.
Wala rin umanong permit ang Manibela sa kanilang pagkilos, at binalewala ang pakiusap sa kanila ng mga otoridad na lumipat ng freedom park.
Nagsagawa ng protesta ang Manibela noong Abril 15 at 16 bilang pagtutol sa PUV phase out program. | ulat ni Rey Ferrer