Nagpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay retired Philippine National Police (PNP) Chief Benjamin Acorda Jr. para sa magandang trabaho na ipinamalas nito sa kaniyang termino.
Sa Change of Command Ceremony (COC) sa Kampo Crame ngayong araw (April 1), partikular na binanggit ng Pangulo ang isinulong na Five-Focused Agenda ng heneral, na gumabay aniya sa PNP tungo sa mas tapat na operasyon, mas pinaigting na information technology capabilities, at mas matatag na community relations.
Sabi ng Pangulo, kinakitaan ng resulta ang effort ng PNP na pagsugpo sa mga krimen.
Halimbawa aniya ang resulta ng OCTA Research survey nitong 2023, kung saan kinilala ang PNP bilang ikatlo sa Highest Performing at Most Trusted na government agency kung saan umani ito ng 76% trust rating.
“This indicates the public’s increasing trust and confidence in the police force,” -Pangulong Marcos.
Dahil dito, umapela ang Pangulo sa PNP at sa bagong liderato nito na ipagpatuloy ang mga magagandang nasimulan na ni Acorda.
“I am sure nothing will make General Benjie Acorda happier than seeing the organization he loves so much able to outdo all the previous achievements of the PNP,” -Pangulong Marcos.
Ngayong araw, opisyal na tinanggap ni Pangulong Marcos sa pwesto si Police Major General Rommel Francisco Marbil bilang ika-30 Chief ng PNP. | ulat ni Racquel Bayan