Umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi sa pertussis o ‘whooping cough’ sa Quezon City.
Batay ‘yan sa pinakahuling tala ng QC Epidemiology and Disease Surveillance Division as of April 5.
Bukod dito, sumampa na rin sa 41 ang kaso ng pertussis sa buong lungsod. Kung saan 60% ng mga tinamaan ay mga sanggol na wala pang anim na buwan ang gulang.
Ayon sa QC LGU, nagpaabot na ito ng burial at financial assistance sa kaanak ng anim na batang nasawi mula sa sakit.
Kaugnay nito, patuloy namang pinaiigting ng pamahalaang lungsod ang hakbang nito para maiwasan ang pagkalat ng pertussis.
Kabilang rito ang nasa P13 milyong halaga ng bakuna at antibiotics panlaban sa pertussis. | ulat ni Merry Ann Bastasa