Nakapagtala pa ng pitong (7) bagong kaso ng pertussis ang Quezon City hanggang kahapon, Abril 1, 2024.
Sa kabuuan, aabot na sa 32 kaso ng pertussis sa lungsod na mas mataas sa 27 kaso sa buong taon ng 2023.
Batay sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, umakyat na sa lima (5) ang mga nasawi sa karamdaman. Ito ay katumbas ng 16% na Case Fatality Rate.
Apektado ng ganitong sakit ang mga batang nasa edad 22 araw hanggang 13 taong gulang. Samantala, 21 naman sa mga dinapuan ng sakit ay mga sanggol na may edad na isang taong gulang pababa.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng pertussis sa lungsod, puspusan na ang Quezon City Health Department at City Epidemiology and Surveillance Unit sa kanilang pagbahay-bahay sa mga barangay para sa health education.
Itinuturo nila sa mga residente ang mga wastong impormasyon tungkol sa sakit na pertussis at wastong pag-iingat.
Nauna nang idineklara ng QC LGU ang pertussis outbreak sa Quezon City nitong nakalipas na buwan lamang. | ulat ni Rey Ferrer