Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil sa mga regional director nito na magpatupad ng “buddy system” sa mga pulis na nakatalaga sa field at nagpapatrolya sa mga komunidad.
Ginawa ng PNP Chief ang nasabing atas ay bilang pag-iingat na rin sa mga tauhan nito mula sa mga peligrong dulot ng mainit na panahon na pinalala pa ng epekto ng El Niño.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, kailangang gumawa ng pag-iingat ang mga pulis para maiwasan ang iba’t ibang sakit gaya ng heat stroke, heat cramps at heat exhaustion.
Sa katunayan aniya, umiikot na ang PNP Health Service sa iba’t ibang himpilan ng pulisya para tiyaking maayos ang kalagayan ng mga pulis habang gumaganap ng tungkulin.
Kasunod nito, pinapayuhan naman ng liderato ng pulisya ang mga tauhan nito na ugaliing uminom ng tubig, kumuha ng sapat na pahinga at alagaan ang sarili upang makaiwas sa sakit. | ulat ni Jaymark Dagala